MANILA, Philippines - Natapos na ang paghahanap ng Express ng kanilang bagong head coach matapos lumipat si Yeng Guiao sa bakuran ng Elasto Painters.
Iniluklok ng Air21 ang dati nitong coach na si Gerardo “Bong” Ramos bilang bago nilang mentor para sa darating na komperensya ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Pebrero.
Ang dating Cardinal ng Mapua Institute of Technology ay humawak na sa Express bago pinalitan ng Air21 ang kanilang pangalan sa FedEx pagpasok ng 2004-05 PBA season.
“I’ve met him and we have agreed in principle. He is going to sign the contract tomorrow (ngayon),” wika ni Air21 board governor Johann Ramos sa dating Brunei Barracudas coach na bumalik sa bansa noong Lunes matapos kumampanya sa ASEAN Basketball League (ABL).
Tumayo na ring assistant coach si Ramos sa Barangay Ginebra at Talk ‘N Text.
Siya ay napili ng Air21 matapos na ring ikunsidera sina Barako Bull mentor Junel Baculi, dating Rain or Shine mentor Leo Austria, Air21 team manager Allan Gregorio at dating Sta. Lucia bench tactician Boyet Fernandez.
Bukod kay Guiao, naging coach na rin ng Express sina Derrick Pumaren, Boni Garcia, Joe Lipa at Bo Perasol, kasalukuyang mentor ng Powerade Tigers.
Samantala, hindi naman magiging madali ang paglalaro ng Smart Gilas ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) sa PBA second conference dahil na rin sa paghaba ng iskedyul ng mga laro, ayon kay PBA Commissioner Chito Salud.
Ayon kay Salud, ang naturang komperensya ay idinisenyo para lamang sa 10 PBA teams at ang pagdagdag sa Smart Gilas ni Serbian coach Rajko Toroman, pinaghahandaan ang 2011 FIBA-Asia Championship sa Wuhan, China, ang lubhang magpapabago sa kanilang scheduling at venues.
Nilinaw ni Salud na ang PBA Board na ang siyang magdedesisyon kung papayagan ang Smart Gilas na maging guest team sa second conference.
Nakatakdang magpulong ang mga PBA team owners sa Enero 25 kung saan isa sa tatalakayin ang paglalaro ng Smart Gilas sa second conference bukod pa ang pagkuha sa bagong television coveror at ang pagtatayo ng PBA ng sarili nitong coliseum.