MANILA, Philippines - Ipinakita ni Heidilyn Diaz ang pormang naglalagay sa kanya bilang isa sa mga sasandalan sa 26th Southeast Asian Games sa Nobyembre nang kunin niya ang silver medal sa China Weightlifting Grand Prix sa Fujian Province.
Natatanging manlalaro na naimbitahan sa by-invitation na torneo na may basbas ng International Weightlifting Federation (IWF), si Diaz ay bumuhat ng 85-kilogram sa snatch at 110kg sa clean and jerk para sa kabuuang 195kg sa 58kg division.
Sapat na ito para talunin ang manlalaro na si Nadia Hosni ng Tunisia na may 76kg sa snatch at 97kg sa clean and jerk para sa 173kg total.
Ang ginto ay napagwagian ni Deng Wei ng China na mayroong 210kg total lift mula sa 90kg snatch at 120kg clean and jerk.