Wesley So nakipag-draw kay Hammer sa third round
WIJK AAN ZEE, Netherlands - Nakipaghati sa puntos si Filipino Grand Master Wesley So kay GM Jon Ludvig Hammer ng Norway sa third round ng 73rd Tata Steel-Corus Group B chess championship dito sa de Morianne Community Center.
Napunta sa draw ang naturang laro nina So, nagmula sa dalawang draw, matapos ang 63 moves ng Queen’s Gambit Declined.
Hawak ng 17-anyos na si So, pinamunuan ang Group C ng torneo noong 2009 at nagtapos bilang fourth-placer noong nakaraang taon, ang isang bishop at dalawang pawns laban sa knight at dalawang pawns ni Hammer nang magkasundo sila sa draw.
Natalo na si So kay Hammer sa SPICE 2009.
Nauna nang nakihati sa puntos si So kina GM Le Quang Liem ng Vietnam sa first round at kay GM Gabriel Sargissian ng Armenia sa second round sa nasabing 14-player, category-17 tournament.
Nakatabla si So sa fifth hanggang 10th places.
- Latest
- Trending