Pinoy batters pasok sa finals ng Pony event

MANILA, Philippines –  Ibinuhos ng national batters ang bangis sa ika­pito at huling inning para makuha ang 21-16 panalo sa Indonesia sa pagtatapos ng Pony Baseball Mustang Division Asia-Pacific Zone Championship elimination kahapon sa Vin Yen baseball field sa Vinh Phuc Province sa Vietnam.

Mahigpitan ang tagisan ng dalawang koponan sa unang anim na innings nang magkaroon ng tabla sa 3-all at 15-all .

Nagbaga ang palo ng national team para tulu­yang iwanan ang Indonesian team.

Ang panalo ay ikatlong sunod ng koponang inilahok ng Philippine Tot Baseball Federation (PTBF).

Lalabanan nila ang Sin­ga­pore para sa titulo ngayon.

Tinapos naman ng Indonesia ang kampanya taglay ang 1-2 karta at ang kabiguang ito ay nangyari matapos lasapin ang 12-2 pagyuko sa Singapore kamakalawa.

Ang mananalo sa finals ang siyang kakatawan sa Asia Pacific sa Mustang World Series sa Texas sa Agosto. 

Show comments