MANILA, Philippines – Bubuksan ni Filipino GM Wesley So ang kampanya sa 2011 Tata Steel Corus Group B chess championships laban kay GM Le Quiang Liem ng Vietnam sa first round na gagawin sa de Moriann Community Centre sa Wijkaa Zee, The Netherlands.
Seeded fifth sa kompetisyong nilalahukan ng 14 na manlalaro, hahawakan ni So ang itim na piyesa sa labanan ng dalawang batang GMs.
Huling nagtuos sina So at Le ay idinaos na 16th Asian Games sa Guangzhou, China at nanalo ng pilak ang Vietnamese GM sa individual category habang kasama naman si So sa national team na pumangalawa sa team competition.
Bagamat itim ang piyesa, inaasahang ilalabas ni So ang itinatagong husay para masimulan ng maganda ang ikatlong pagkakataon na nakasali siya sa nasabing kompetisyon na isang category 17.
Si So sa ngayon ay number 3 sa juniors ranking at nasa No. 63 sa mundo habang si Le ay number four sa junior at 79 sa pangkalahatan sa FIDE ratings na ipinalabas nitong Enero.
“Maganda ang labanang ito dahil sa mga dating tagisan ng dalawa ay dikitan ang labanan,” wika ni NCFP president Prospero Pichay.
Matapos ni Le, sunod na kakaharapin ni So ay si sixth seed GM Gabriel Sagissian ng Armenia, No. 11 seed Jon Ludvig Hammer ng host country at fourth seed GM Zahar Efimenko ng Ukraine.
Pahinga sa Enero 19 bago itutuloy ang aksyon kinabukasan at babanggain ni So sina GM Surya Ganguly ng India, GM Laurant Fressinet ng France, GM Daid Navara ng Czech Republic at GM Wouter Spoelman ng Netherlands.
Pahinga uli sa Enero 24 bago umusad ang kompetisyon sa huling yugto at kalaban ng 17-anyos na si So sina GM Li Chao ng China, GM Vladimir Takachiev ng France, GM Friso Nijboer ng Nether-lands, GM Luke McShane ng England at top seed GM Rodek Wojtaszek ng Poland bilang huling asignatura.
Taong 2009 nang unang sumali si So sa nasabing kompetisyon at dinomina niya ang Group C category matapos magkaroon ng 9.5 puntos upang talunin sina GM Anish Giri ng Netherlands at Tiger Hillarp Persson ng Sweden.
Noong nakaraang taon ay sa Group B siya naglaro at tumapos sa pagkakatabla kay GM Erwin l’Ami.