MANILA, Philippines – Baguhin ang mentalidad ng mga manlalaro ng UP Maroons ang isa sa pangunahing gagawin ng bagong upong coach na si Ricky Dandan.
Ang 49-anyos dating manlalaro rin ng Maroons ang siyang inilagay bilang coach na magtatangkang ibangon ang State University buhat sa 0-14 kampanya sa 73rd UAAP basketball.
Aminado si Dandan na hindi madali ang pinasok na trabaho pero naniniwala siyang kayang magkaroon ng pagbabago sa laro ng koponan lalo nga’t may sapat siyang panahon para baguhin ito.
“Isa sa sinabi ko ay inevitable ang changes na dapat mangyari sa team. Una nga sa papalitan namin ay ang mindset at attitude ng mga players,” ani Dandan.
Tinanggap ang alok noong Oktubre upang makapalit ang interim coach na si Boyet Fernandez, si Dandan sa ngayon ay abala pa rin sa Ateneo sa basketball program nila dahil ang kontrata niya ay mapapaso pa sa Marso.
Pero may laya na siyang gumalaw at nagkaroon na siya ng 18 manlalaro sa pool na kung saan pagmumulan ang players na kakatawan sa Maroons sa 74th season.
Sina Maggi Sison, Woody Co at Martin Reyes ay wala kaya’t sina Fil-Am Mike Silungan at Alvin Padilla ang mamumuno sa koponan.
Pagtitibayin ang frontline ng Maroons sa paglalaro na nina Nigerian 6’7 center Alinko Mbah na makakasama sina dating West Negros College 6’4” forward Raul Soyud at ang 6’4’ frontliner ng Ateneo Eaglets Paolo Romero.
Magbabalik din sa koponan si Mike Gamboa matapos ang isang taong pamamahinga habang ang dating St. Benilde guard na si Angelo Montecastro ay nasa Maroons na rin.
Kinuha bilang assistant coaches ni Dandan ay mga dati ring UP players na sina Joey Mendoza, Duane Saavedra, Jojo Villa at anak na si Mark Dandan.