MANILA, Philippines - Hindi man kasali sa Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia ay hindi naman ito nangangahulugan na hindi magiging aktibo ang pambatong triathletes ng bansa.
Katunayan ay mapupuno ng laro ang national triathletes na ang adhikain ay magkaroon ng manlalaro sa endurance sport na ito na makasali sa 2012 London o 2016 Rio De Janeiro Olympics.
Aabot sa 27 ang local competitions na ipinorma ng TRAP sa taong ito habang pagtutuunan din nila ang paglahok sa mga Asia Cup at Asian Championships kung international competitions ang pag-uusapan.
“Di tulad noon na event-oriented ang TRAP, sa taong ito ay year round training sa ating triathletes ang aming ilalatag sa tulong ni Australian high-performance coach Dan Brown,” wika ni TRAP president Tom Carrasco Jr. sa paglulunsad ng kanilang programa kahapon sa Philippine Columbian Association.
Tampok pa ring palaro sa bansa ay ang Subic Bay International Triathlon sa Subic Bay Freeport mula Abril 30 hanggang Mayo 1, ang anim na yugtong National Age Group Triathlon Series, Animo Sprint Triathlon at pagdaraos ng kauna-unahang triathlon events sa Mamburao, Occidental Mindoro at sa Pico De Loro Beach and Country Club sa Nasugbu, Batangas.
Ang international tournaments ay pangungunahan naman ng paglahok sa Asia Cup series sa Seoul sa Mayo 15, Singapore sa Hunyo 18 at 19, Gamagori, Japan sa Hunyo 26 at sa Incheon, Korea sa Agosto 28.
Sasali rin ang Pilipinas sa Asian Triathlon Championships sa Yi-Lan, Chinese, Taipei sa Setyembre 24 hanggang 25 bukod pa sa ITU World Cup sa Tongyeon, Korea sa Oktubre 15.
Ang mga bagito pero subok nang triathletes na sina LC Langit, Nikko Huelgas, Kim Mangrobang at Philip Jurolan ang mga sasandalan upang maging posibleng kauna-unahang triathlete na maglalaro sa Olympics.