MANILA, Philippines - Kung kaya ni Filipino world eight-division champion Manny na manalo laban sa mga mas malalakas na kalaban, magagawa rin ito ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
“Nakikita mo naman sa laban ni Pacquiao na kapag mas mabilis ka sa kalaban mo, matatalo mo sila,” sabi kahapon ng 27-anyos na si Donaire sa kanilang press conference ng 33-anyos na si Mexican world bantamweight titlist Fernando “Cochulita” Montiel.
Tatangkain ni Donaire na agawin kay Montiel ang mga hawak nitong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay Events Center sa Las Vegas, Nevada.
“Beterano si Montiel, alam niya kung paano lumaban at paano manalo. Ako, talented din ako, may skills din ako na matalo ko siya,” wika ni Donaire, bitbit ang 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs kumpara sa 43-2-2 (33 KOs) card naman si Montiel.