MANILA, Philippines - Kung mapagbibigyan siya ay nais ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na mailahad kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III ang kasalukuyang estado ng Philippine sports.
Sinabi ni Garcia na gusto niyang ipakita sa Presidente ang kanilang mga nagawa sapul nang mailuklok bilang mga bagong opisyales ng PSC noong Hulyo ng 2010.
“In his convenient time. We will follow this up and hopefully, we will be granted an audience to present the overall picture of the state of Philippine sports during the time that we have appointed up to the time that we will have an audience with him,” sabi ni Garcia kay Pangulong Aquino.
Si Garcia ang pumalit kay Harry Angping bilang chairman ng sports commission kasunod ang pagkakatalaga kina Chito Loyzaga, Akiko Thomson, Col. Buddy Andrada at Jolly Gomez bilang mga Commissioners.
Mula nang manumpa sa Malacañang ay hindi pa nakakausap muli ni Garcia si Presidente Aquino.
Ang kakulangan sa pondo ang kasalukuyang suliranin ng sports commission.
Isang pulong ang itinakda ni Garcia sa hanay ng mga National Sports Associations (NSA)s ngayong araw sa Manila Yatch Club sa Roxas Boulevard kung saan tatalakayin ang mga proposed budget ng mga ito para ngayong 2011.