MANILA, Philippines - Sinandigan ng nagde-depensang University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) si Isaac Visaya upang talunin ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa semifinal round ng 86th National Collegiate Athletics Association (NCAA) juniors’ volleyball tournament sa Letran College Gymnasium sa Intramuros.
Umabante ang Junior Altas ni head coach Miguel Rafael sa finals nang igupo ang Brigadiers via straight sets, 25-14, 25-20, 25-23.
Inasahan rin ng Perpe-tual si ace spiker Philip Bagalay sa third set upang muling igupo ang EAC sa ikalawang pagkakataon matapos umiskor ng 25-16, 25-17, 22-25, 25-12 sa elimination round.
Pinuri rin ni Rafael sina 2010 MVP John Erickson Francisco, Joel Brito, Andro Diomangay, Jherald Martinez at libero Louie Chavez.
Tinapos ng Junior Altas ang kanilang laro ng Brigadiers sa loob ng 58 minuto kung saan hangad ng Dr./Col Antonio Tamayo-owned university ang kanilang back-to-back championship.
Makakasagupa ng Las Piñas City-based junior wallopers sa finals ang 2010 runner-up SSC-R Staglets bukas ng alas-2 ng hapon sa Letran Gymnasium sa Intramuros, Manila matapos ang labanan ng EAC at Arellano University sa ala-1.