Ray Parks lalaro sa NU sa 2011 UAAP season
MANILA, Philippines - Dalawang taon lamang ang ibinibigay ni Bobby Parks Sr. sa kanyang anak upang maglaro sa National University.
Si Bobby Jr. ay tiyak na maglalaro sa 2011 UAAP season suot ang uniporme ng Bulldogs matapos tanggihan nila ang alok mula sa Georgia Tech na isang US NCAA Division I school.
Pero hindi ito nangangahulugan na hindi iiwan ng 6’2 Parks ang Bulldogs dahil ang plano ng ama ay paglaruin ito sa UAAP sa loob ng dalawang taon bago magdesisyon kung ipagpapatuloy pa ba o tutungo na sa US upang dito naman subukin ang kakayahan.
“Bobby Ray will play at least two years with NU then he’ll study his options and decide whether or not to continue his college career in the US,” wika ni Parks.
Bukod kay Parks ay nasa NU na rin ang dating national U-18 coach na si Eric A ltamirano bilang head coach ng koponan upang tumibay ang hangarin ng koponan na suportado na ng shopping mall magnate na sina Henry at Hans Sy na makabalik Final Four.
Taong 1987 nang nag-lalaro pa sa Bulldogs sina Danny Ildefonso at Lordy Tugade nang huling naka-rating ng Final Four ang koponan.
Sa nagdaang UAAP season ay nakakuha ng respeto ang koponan nang tumapos ang NU sa ikalimang puwesto taglay ang 7-7 record at sa pagtubay ni interim coach Eric Gonzales.
Sa pagdating ni Parks ay tiyak na lalakas ang puwesto sa ilalim ng Bulldogs dahil nasa koponan pa rin si Emmanuel Mbe.
Ang 6’7 center ay nag-hatid ng 13.4 puntos, 11.7 rebounds at 1.2 blocks sa nagdaang season.
Maliban kay Mbe ay babalik din sa koponan ang dating national juniors player na si Joseph Terso, Joseph Hermosisima II at Glenn Khobuntin.
- Latest
- Trending