PH Patriots pinayukod ng Dragons
MANILA, Philippines - Nag-init ang paglalaro ng Westports KL Dragons sa ikatlong yugto upang maibaon ang Philippine Patriots mula sa 92-74 panalo sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II kagabi sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Umiskor nga ng 31 puntos sa ikatlong yugto ang Dragons na pinagningas ng isang 16-0 bomba upang madaling tabunan ang 52-42 bentaheng tangan ng Patriots para makuha ang ikalawang panalo sa tatlong pagkikita ng dalawang koponan sa eliminasyon.
Si Justin Leith ay mayroong 29 puntos para pangunahan ang bisitang koponan at siyam na sunod na puntos ang ginawa nito nang pakawalan ng Dragons ang matinding atake upang mahawakan pa ang 58-52 bentahe.
Tinapyasan ng Patriots sa tatlo ang kalamangang ito, 58-55, sa tatlong freethrows nina Egay Billones at Benedict Fernandez pero rumagasa uli ang Dragons sa pagtutulungan nina Nakeia Miller, Rudy Lingganay at Patrick Cabahug para kunin ang 73-63 bentahe papasok sa huling yugto.
Tuluyan nang natapos ang kampanya ng Patriots nang tawagan ng ikalima at huling foul si Gabe Freeman laban kay Lingganay may 5:26 sa orasan at ang pinakamalaking kalamangan ng Dragons ay nasa 20 puntos, 92-72, sa nakumpletong 3-point play ni Miller.
“Ang istorya rito ay nang nawala ang depensa namin sa third period. Lamang kami ng 10 pero nabigyan sila ng 16-0 run at nagkaroon na sila ng kumpiyansa. Hindi na rin kami nakaiskor sa zone nila na siya nilang ginawa sa second half,” wika ni head coach Louie Alas.
- Latest
- Trending