'Diay' handang tumulong sa pagtuklas ng atleta kung...
MANILA, Philippines - Hindi magdadalawang-isip si Lydia De Vega-Mercado na bumalik ng bansa at tumulong sa pagtuklas ng mga manlalaro sa athletics kung kakailanganin ang kanyang serbisyo.
Si Diay ay coach ngayon ng isang unibersidad sa Singapore at aminado siyang nasaktan nang iniwan ang bansa noong 2005 matapos manilbihan bilang isang consultant ng PSC.
“Nakakalungkot talaga pero kailangan naming maghanap buhay dahil wala kaming mga pension ngayong retirado na kami sa paglalaro,” wika ni De Vega-Mercado nang dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura.
Si De Vega-Mercado ang huling hinirang na Asia’s Sprint Queen mula sa Pilipinas dahil wala ng nakitang kapalit nito matapos magretiro noong dekada 90s.
Kawalan ng matibay na programa bukod sa mga magagandang pasilidad at benepisyo ang isa sa nakitang dahilan ni Diay kung bakit hirap tumuklas ng atleta ang bansa.
Pero hindi naman nangangahulugan na tapos na ang tagumpay na dating tinatamasa ng Pilipinas sa mundo ng palakasan pero nangangailangan na ito ng ibang istilo ng pagharap.
Aniya kung kulang ang suporta ay dapat na mamili na lamang ng ilang atleta na maaaring bigyan ng sapat na suporta upang manalo sa mga kompetisyon na lalahukan.
Sa katanungan kung handa siyang bumalik para tumulong, isang malakas na oo ang kanyang ibinigay lalo nga’t hangad ng mga dating atleta na nagbigay ng karangalan sa bansa na maipamahagi rin ang nalalaman sa mga papasibol na atleta.
“Hindi naman problema ang suweldo dahil noong consultant ako hindi din kalakihan ang tinatanggap ko,” ani pa ni Diay.
- Latest
- Trending