Hawak sa solong liderato sa Vietnam Chessfest: Gomez lalo pang kumapit

MANILA, Philippines - Pinatatag pa ni GM John Paul Gomez ang kan­yang kapit sa solong liderato sa HD Bank Open Chess Championship matapos na yanigin ang top seed GM na si Le Quang Liem ng Viet­nam makaraan ang li­mang rounds sa Rex Hotel sa Ho Chi Minh City, Vietnam nitong Huwebes.

Pumanig kay Gomez, miyembro ng Philippine team na nagbulsa ng silver medal sa 2010 Asian Ga­mes sa Guangzhou, Chi­na, ang paghawak ng mga puting piyesa upang ilista ang pinakamalaking upset na panalo laban sa top-seeded Vietnamese champion.

 Nauna nang ginapi ng 24-anyos mechanical engineering graduate mu­la sa La Salle sina WIM Ngu­yen Thi Mai Hung ng host country sa third round at si GM Zhao Jun ng China sa fourth round upang manatiling malakas ang kampanya para sa top prize money na US$6,000 sa prestihiyosong 74-player competition.

Angat na si Gomez ng kalahating puntos (5 points) sa Chinese GM na si Yu Yangyi na tinalo si IM Richard Bitoon ng Philippines at isang puntos kay GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam na pinisak naman si GM Zhou Weiqi ng China.

Patuloy pa ring kuma­kasa ang limang iba pang Filipino campaigner--sina GM Roland Salvador, GM Darwin Laylo, IM Oliver Dimakiling, IM Oliver Barbosa at Bitoon na may naitalang tig-3.5 puntos.

 Pinataob ni Salvador si Lu Yije ng China, nakipag­hatian ng puntos si Laylo kay Cao Sang ng Vietnam, pinigil naman ni Dimakiling si WGM Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam at dinispat­sa ni Barbosa si Kevin Goh ng Singapore. 

Show comments