Hawak sa solong liderato sa Vietnam Chessfest: Gomez lalo pang kumapit
MANILA, Philippines - Pinatatag pa ni GM John Paul Gomez ang kanyang kapit sa solong liderato sa HD Bank Open Chess Championship matapos na yanigin ang top seed GM na si Le Quang Liem ng Vietnam makaraan ang limang rounds sa Rex Hotel sa Ho Chi Minh City, Vietnam nitong Huwebes.
Pumanig kay Gomez, miyembro ng Philippine team na nagbulsa ng silver medal sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, ang paghawak ng mga puting piyesa upang ilista ang pinakamalaking upset na panalo laban sa top-seeded Vietnamese champion.
Nauna nang ginapi ng 24-anyos mechanical engineering graduate mula sa La Salle sina WIM Nguyen Thi Mai Hung ng host country sa third round at si GM Zhao Jun ng China sa fourth round upang manatiling malakas ang kampanya para sa top prize money na US$6,000 sa prestihiyosong 74-player competition.
Angat na si Gomez ng kalahating puntos (5 points) sa Chinese GM na si Yu Yangyi na tinalo si IM Richard Bitoon ng Philippines at isang puntos kay GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam na pinisak naman si GM Zhou Weiqi ng China.
Patuloy pa ring kumakasa ang limang iba pang Filipino campaigner--sina GM Roland Salvador, GM Darwin Laylo, IM Oliver Dimakiling, IM Oliver Barbosa at Bitoon na may naitalang tig-3.5 puntos.
Pinataob ni Salvador si Lu Yije ng China, nakipaghatian ng puntos si Laylo kay Cao Sang ng Vietnam, pinigil naman ni Dimakiling si WGM Nguyen Thi Thanh An ng Vietnam at dinispatsa ni Barbosa si Kevin Goh ng Singapore.
- Latest
- Trending