MANILA, Philippines - Magtatagpo ang mga landas nina Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at Mexican Fernando “Cochulito” Montiel sa isang news conference luncheon sa Enero 11 sa Gold Ballroom sa Millenium Biltmore Hotels sa Los Angeles, California.
Ito ay para sa kanilang world bantamweight championship fight na nakatakda sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Itataya ni Montiel ang kanyang mga suot na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles laban kay Donaire.
Inaasahan ni WBC president Jose Sulaiman na magiging maigting ang salpukan ng 33-anyos na si Montiel, may 43-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 33 Kos, at ng 27-anyos na si Donaire (25-1, 17 KOs).
“Montiel is a destroyer. When he connects on an opponent, his punches can Annihilate anyone,” ani Sulaiman kay Montiel. “It will be a tremendous fight from the first round to the end.”
Isang knockout rin ang nakikita ni Sulaiman sa naturang Donaire-Montiel fight.
“With the power that have both in their fists, either can end it by knockout,” dagdag ng WBC chief.
Hindi pa natatalo si Montiel sapul noong 2006 kung saan walo sa kanyang 10 laban ay sa pamamagitan ng stoppage.
Hangad naman ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire na maagaw kay Montiel ang suot nitong WBC at WBO bantamweight crowns sa likod ng kanyang nine-year, 24-fight winning streak.
Tinalo ni Donaire si dating world bantamweight titlist Wladimir Sidorenko via fourth-round TKO sa kanyang huling laban noong Disyembre 4, 2010.
Si Donaire ang umagaw sa mga hawak International Boxing Organization (IBO) at international Boxing Federation (IBF) flyweight belts ni Vic Darchinya via fifth-round TKO noong Hulyo ng 2007. Ang huling 10 panalo ni Donaire ay pawang mga knockouts.