VIETNAM -- Isinulong ni GM John Paul Gomez ang kanyang ikaapat na sunod na panalo para makuha ang solo lead matapos ang fourth round ng 2011 HD Bank Cup Open chess championship dito sa five-star Rex Hotel.
Binigo ni Gomez, miyembro ng Philippine team na kumuiha ng silver medal sa nakaraang 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, si WIM Nguyen Thi Mai Hung ng Vietnam sa third round bago isinunod si GM Zhao Jun ng China sa fourth round para sa kanyang perfect record na 4.0 points. Nakipag-draw naman si IM Richard Bitoon kay top seed GM Le Quang Liem ng Vietnam sa third round at tinalo si Kevin Goh ng Singapore sa fourth round para sa kanyang 3.5 points.
Nakuntento rin sa draw si GM Laylo nang makalaban sina IM Oliver Dimakiling at CM TranThan Tu ng Vietnam para makatabla sa sixth hanggang 13th places.
Nasa kontensyon pa rin sina GM Roland Salvador, IM Oliver Barbosa, IM Kim Steven Yap, FM Haridas Pascua at Dimakiling sa kanilang pagtatabla sa 14th hanggang 27th places sa kanilang tig-2.5 points.
Si Salvador, ang highest-rated Filipino sa torneo sa kanyang ELO 2533, ay natalo kay No. 22 seed Wang Chen ng China sa third round at nagwagi naman kay Vo Thanh Nin ng Vietnam sa fourth round.