Smart Gilas humiling sa PBA na mapasama sa 2nd conference
MANILA, Philippines - Upang mapalakas pa ang paghahanda ng Smart Gilas Pilipinas sa malalaking kompetisyon na lalahukan sa 2011 ay nais nilang mapahintulutan na mapasama sa PBA second conference.
Nagpadala na ng kahilingan ang koponan sa pamunuan ng PBA na mapabilang sa second conference na magbubukas sa buwan ng Pebrero at katatampukan din ng mga imports ang regular teams sa pro league.
Mahalaga ang karanasang makukuha ng Gilas sa mga sasalihang kompetisyon dahil ang pangunahing torneo na kanilang pinaghahandaan ay ang FIBA –Asia Championships sa Wuhan, China na kung saan ang magkakampeon dito ang siyang kakatawan sa Asia sa London Olympics sa 2012.
“Malaki ang maitutulong ng paglalaro sa PBA dahil naririyan ang best players ng bansa,” wika ni team manager Frankie Lim.
Tulad sa nagdaang taong paghahanda, lalahok din ang Gilas sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa at mangunguna rito ay ang Dubai Invitational na ilalarga sa United Arab Emirates mula Enero 20- 29.
Nagsimula na ngang magsanay ang koponan kahapon sa The Arena sa San Juan City at kasama sa nag-ensayo ay si 6’10 American center Marcus Douthit.
Si Douthit ay kandidato upang maging naturalized player ng koponan at ang kanyang papeles ay nakapasa na sa Senado pero hindi pa ito nilalagdaan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.
Pero makakasama si Douthit sa Dubai dahil bukas ang kompetisyon sa mga imports.
Lalaro rin ang koponan sa FIBA Asia Champions Cup sa Mayo na isasagawa sa bansa at sa Jones Cup sa Chinese Taipei sa Mayo. Babalik din ang Gilas sa Belgrade para sa mga tune-up games sa Euporean teams.
Hangad ng Gilas na makabawi matapos malagay sa ikaanim na puwesto lamang sa Asian Games sa Guangzhou China.
- Latest
- Trending