MANILA, Philippines - Muling iginiit ng international body na FIFA na nasa maayos na proseso ang ginawa ng nakararaming opisyal ng Philippine Football Federation (PFF) nang kanilang patalsikin ang dating pangulo na si Jose Mari Martinez.
Sa liham uli ni FIFA secretary-general Jerome Valcke sa PFF na ipinadala nitong Enero 3 sa tanggapan sa Zurich, Switzerland, sinabi nito na ang ulat na nagmula sa mga opisyales ng FIFA at Asian Football Confederation(AFC) ay nagsasaad na walang kamaliang nilabag ang aksyon base sa PFF Statues.
Nagpadala ang FIFA at AFC ng mga opisyales nitong Disyembre 29 at 30 upang alamin sa mga PFF officials ang tunay na nangyari sa isinagawang PFF Congress noong Nobyembre 27, 2010 na kinakitaan ng pagkakatanggal ni Martinez at pagkahalili ni Mariano Araneta.
Kinuha rin nila ang ilang mahahalagang dokumento at dinala sa paglisan upang mapag-aralan kung legal ba o hindi ang nasabing aksyon.
“After having thoroughly analysed the report of the said FIFA/AFC delegation, we kindly inform you that the Chairman of the Association Committee is still of the legal opinion that the removal of Mr. Martinez and the election of Mr. Araneta was in line with the relevant PFF Statues as outlined in the FIFA letter dated 20 December 2010,” wika ni Valcke sa kanyang liham.
Ipinunto rin ng FIFA officials ang katotohanang walang ginawang aksyon agad si Martinez gaya ng pagdulog sa arbitration court sa loob ng takdang panahon upang pigilan ang nasabing aksyon.