Pacquiao nangunguna sa nominado
MANILA, Philippines - Hindi malayong madagdagan pa ang parangal na tinatanggap ni Manny Pacquiao dala ng ipinakikitang husay sa boxing ring.
Sa Enero 11 ay iaanunsyo na ang mga pangalan ng mga atletang kuminang sa 2010 na ihahayag ng prestihiyosong Laureus World Sports Awards.
Ang mga nominado rito ay sasalang sa pagsusuri ng mga respetadong hurado mula sa Laureus World Sports Academy na binubuo ng 46 sportsmen at sportswomen na tiningala sa mundo ng palakasan.
Mga parangal tulad ng World Sportsman/Sportswoman of the Year, World Team of the Year, World Breakthrough of the Year, World Comeback of the Year, World Sportsperson of the Year (Disability), at World Action Sportsperson of the Year ang pinaglalabanan sa taong ito.
Inaasahang maikokonsidera si Pacquiao matapos mapalawig sa walo ang titulong hawak sa mundo ng propesyonal na boxing matapos ang unanimous decision panalo kay Antonio Margarito upang mabitbit ang bakanteng WBC light middleweight division.
Nauna rito ay tinalo muna ni Pacquiao si Joshua Clottey para maidepensa ang WBO welterweight title.
Bukod sa tagumpay sa ring ay nanalo rin si Pacquiao bilang kinatawan ng Sarangani Province sa idinaos na Pambansang halalan noong Mayo.
Ang mga papalaring manalo sa Laureus World Sports Awards ay ihahayag sa seremonyang gagawin sa Abu Dhabi mula Pebrero 5 hanggang 7.
Ang mga kinilala na ng samahang ito noong 2010 ay sina trackster Usian Bolt, tennis players Serena Williams at Kim Clijsters, Formula One driver Jenson Button, swimmer Natalie du Toit at world champion sa surfing Stephanie Gilmore.
- Latest
- Trending