MANILA, Philippines - Bago ang inaasam na Best Player of the Conference, ang Rain or Shine-PBA Philippine Cup Elims/Quarters Top Performer Award muna ang nakamit ni Arwind Santos ng San Miguel.
Mula sa kanyang average na league-best 34.7 statistical points sa classification stage at 16.6 points at 9.1 rebounds per game sa 15 laro ng Beermen, kinilala si Santos bilang Top Performer.
Nakasama ng 6-foot-3 na si Santos si 2009 winner Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Tex sa nakatanggap ng nasabing parangal para sa isang best performer sa Philippine Cup.
Kasagupa ng San Miguel ang Barangay Ginebra sa best-of-seven semifinals series ng Philippine Cup.
Para sa Best Player of the Conference race, nasa ilalim ng 34.7 SP average ni Santos sina Joe Devance (34.5 SPs) ng Alaska, Harvey Carey (34.4) ng Talk ‘N Text, Jay Washington (34.1 SPs) ng San Miguel, Rudy Hatfield (30.6 SPs) ng Ginebra, Ali Peek (30.2) at Jimmy Alapag (30.0 SPs) ng Talk ‘N Text, Mac Cardona (29.7 SPs) ng Meralco at Kelly Williams (29.5 SPs) ng Talk ‘N Text.
Ang 6’4 na si Hatfield, ang 2003 Reinforced Conference BPC winner habang naglalaro para sa Coca-Cola, ang tanging Ginebra player na nasa top 10.
Iginawad nina PBA Commissioner Chito Salud, PBA Vice Chairman Mert Mondragon ng Rain or Shine at GMANews.TV Rey Joble ang naturang award.