Romero dismayado

MANILA, Philippines –  Hinamon ni Dr. Mikee Romero ang man­lalarong bumubuo sa Philippine Patriots na patunayan nila na karapat-dapat sila sa pagsuot ng uniporme ng koponang kumakatawan sa bansa sa ASEAN Basketball League.

Galit si Romero matapos lasapin ng Patriots ang 83-76 double overtime kabiguan sa Chang Thailand Slammers sa pagpa­patuloy ng ligang suportado ng AirAsia nitong Linggo sa Bangkok, Thailand.

Bumigay ang tropang hawak ni coach Louie Alas sa huling limang minutong ex­tension nang ma-outscore sila ng Thai locals, 9-2, para maglaho rin ang ha­ngaring pagkopo sa number one spot at homecourt advantage sa kabuuan ng Playoffs.

“I’m so dismayed with the way they played last Sunday. We are known for our never-say-die attitude but last Sunday, they showed none of it,” wika ni Romero.

Pinuntusan niya ang tila kawalan ng init ng paglalaro ng ibang local players at maliban kay Egay Billones na gumawa ng nangungunang 23 puntos, ang iba ay hindi nakapagbigay ng solidong numero para sa koponan.

“I don’t want to question their heart but the way they played the last game, it seems they lack the character that I want for a team. We can’t retain our championship if we continue to play this kind of basketball,” dagdag pa ni Romero.

Bumalik na ng bansa ang Patriots at maghahanda uli sa mahalagang laban sa Linggo laban sa Westports KL Dragons sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kailangang manalo ang home team upang pormal na makuha ang ikalawang puwesto at homecourt advantage sa best of three semifinals series.

 “This is not an ordinary tournament because the country’s honor is at stake in this tournament. We have to play with lots of passion and pride. I don’t mind if coach Alas will use just six to seven players as long as they will play as hard as they can for the rest of the season,” dagdag pa ni Romero na katuwang ang negosyante ring si Tony Boy Cojuangco ang nagbibigay ng pondo sa koponan.

Show comments