MANILA, Philippines – Wala nang makakapigil sa pagtatayo ng Philippine Basketball Association (PBA) ng kanilang sariling ‘farm league’.
Inihayag kahapon ni PBA Commissioner Atty. Chito Salud na ilang PBL teams na ang lumapit sa kanila upang magtanong ng ilang detalye para sa binubuong Developmental League na kinopya sa NBA D-League.
“I am not too familiar with the teams that have indicated interest but there are certain teams that have indicated to joining the Developmental League,” ani Salud sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Ang PBA D-League ay ilalatag ni Salud sa malaking pulong ng mga team owners sa Enero 25 sa Club Filipino.
Tatlong kompanya na ang nagparamdam ng kanilang interes na maglagay ng koponan sa PBA D-League.
Ang mga PBA teams namang gustong maglahok ng koponan sa PBA-D League ay ang San Miguel Beer, Meralco at Maynilad bukod pa ang isang non-PBA company na Healthwell Nutraceuaticals.
Ayon kay PBA operations manager Rickie Santos, naglatag na sila ng format para sa PBA D-League na posibleng ilunsad sa Marso.
“We have drafted an initial format that will be ideal for an eight-team tournament that will run for three months,” wika ni Santos. “If it will take the D-League to finalize and formalize, siguro we can start by March or April.”
Ang PBA D-League ang siyang inaasahang sasalo sa naumpisahan ng PBL na inilunsad ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco ng San Miguel Corporation noong 1983.
“We still don’t know what awaits us,” ani PBL executive director Butch Maniego. “They haven’t spoken to us since September last year. Right now, we feel we were abandoned.”
Nagbitiw sa kanyang posisyon si GMA sportscaster Chino Trinidad bilang PBL Commissioner noong Marso ng 2010 matapos mabigong hadlangan ang pag-iisa ng PBL at ng Liga Pilipinas.