Pacquiao WBC boxer of the decade
MANILA, Philippines – Pitong titulo sa magkakaibang dibisyon at 13 dikit-dikit na panalo ang mga naiukit ni Manny Pacquiao mula 2001 hanggang 2010 sa mundo ng propesyonal na boksing na sapat ng dahilan para kilalanin siya bilang Boxer of the Decade ng World Boxing Council (WBC).
Sina Oscar De La Hoya, Floyd Mayweather, Erik Morales, Vitali Klitschko at Ponsaklek Wonjongkam ang mga itinapat sa mga nagawa ni Pacquiao sa nagdaang 10 taon pero lumabas na milya-milya ang layo ng mga naabot na karangalan ni Pacman para makuha ang parangal sa prestihiyosong organisasyon sa hanay ng mga boxing bodies.
Sa mga nakalaban nga ni Pacquiao sa parangal, ang maalamat na sina De La Hoya at Morales ay kasama sa kanyang mga pinataob nang manalo ito ng 13 sunod mula Marso 19, 2005.
Sa nasabing petsa nalasap ni Pacquiao ang ikatlong kabiguan lamang sa kanyang career na nangyari sa unang pagtutuos nila ni Morales na nauwi sa unanimous decision.
Pero lubus-lubusan ang pagbawi na ginawa ng pambato ng bansa dahil kumubra ng 10th round TKO at 3rd round KO si Pacquiao sa sumunod na pagtutuos na naganap noong Enero at Nobyembre ng taong 2006 para ipakitang kaya niya si Morales.
Tumabla rin kay Pacquiao sina Agapito Sanchez at Juan Manuel Marquez pero ang huli ay binawian din nito sa pamamagitan ng split decision panalo noong Marso 15, 2008.
Ang panalo ay nagresulta upang maagaw din ni Pacman ang hawak na WBC super featherweight title ni Marquez na isa sa pitong world titles na napanalunan ni Pacquiao sa nagdaang dekada.
Ang iba pang lehitimong titulo na tinanganan ng Pambansang kamao ay sa IBF super bantamweight title laban kay Lehlohonolo Ledwaba, WBC lightweight laban kay David Diaz, IBO light welterweight laban kay Ricky Hatton, WBO welterweight laban kay Miguel Cotto at WBC light middleweight laban kay Antonio Margarito.
Tinalo rin ni Pacquiao si Marco Antonio Barrera para maibulsa rin ang Ring Magazine’s featherweight title.
Sa 10 taong nagdaan, si Pacquiao ay sumabak sa 25 laban at nanalo ng 22, natalo ng isa at tumabla ng dalawang beses. Sa mga panalong kinuha, 17 dito ang natulog o nagretiro bago ang takdang laban at kasama nga sa dumanas ng ganitong kabiguan ay sina De La Hoya, Cotto, Hatton, Diaz at Barrera.
Ang WBC Boxer of the Decade ay nakamit ni Pacquiao matapos gawaran na siyang Fighter of the Decade mula 2000 hanggang 2009 ng Boxing Writers Association of America (BWAA, HBO, The Sweet Science at Philippine Sportwriters’ Association (PSA) noong nakaraang taon.
Si Sergio Martinez ay kinilala naman bilang Boxer of the Year nang talunin ang mga mahuhusay na sina Kelly Pavlik at Paul Williams.
Sa kanya rin napunta ang KO of the Year matapos mapatulog si Williams habang ang iba pang kinilala ay sina Vitali Klitschko bilang Exemplary World Champion of the Year, Julio Cesar Chavez Jr. bilang Hope and Revelation of the Year, at ang mga laban nina Jean Pascal at Bernard Hopkins at Fernando Montiel vs Hozumi Hasegawa bilang Fight of the Year at Most Dramatic Fight of the Year, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending