Maiinit na bakbakan tampok sa pagbabalik ng NCAA volleyfest
MANILA, Philippines - Mainit na bakbakan ang sasambulat sa pagbabalik ng aksyon sa 86th NCAA volleyball sa Enero 10 sa Emilio Aguinaldo College Gym.
Apat na koponan sa kalalakihan at kababaihan ang magtatagisan sa nasabing petsa sa paglarga ng semifinals ng kompetisyon.
Tampok na sagupaan ay sa pagitan ng nagdedepensang San Sebastian College at College of St. Benilde sa women’s division at itinakda ganap na alas-2 ng hapon.
Ang dalawang koponang ito ay naglaban sa huling tatlong championships ng liga at ang Lady Stags ang tuwina ang nananalo upang mapalawig ang dominasyon sa liga sa limang sunod na edisyon.
Ang isa pang labanan sa kababaihan ay sa pagitan ng Perpetual Help at Letran na masisilayan dakong alas-4 ng hapon.
Nagtabla ang Lady Altas at Lady Stags sa single round elimination tangan ang 7-1 karta pero lumabas na number one ang Perpetual dahil sa mas mataas na FIVB quotient.
Isang single round robin ang magaganap sa semifinals at ang mangungunang dalawang koponan ang uusad sa best-of-three championship series.
Ang Altas ay sasabak sa Knights sa unang laro sa kalalakihan ganap na ika-8 ng umaga at susundan ito ng bakbakan sa pagitan ng San Beda at Arellano dakong alas-10 ng umaga.
Pakay ng Lady Altas at Lady Blazers na makopo ang kauna-unahang titulo habang unang kampeonato sa huling 12 taon ang nais naman ng Lady Knights.
- Latest
- Trending