Dalawang bagong coaches ang sumabak sa bakbakan sa pagsisimula ng 46th season ng Philippine Basketball Association at ito’y sina Renato Agustin at George Gallent.
Hinalinhan ni Agustin bilang head coach ng San Miguel Beer si Bethune “Siot” Tanquingcen na ngayon ay assistant ni Jong Uichico sa Barangay Ginebra. Pinalitan naman ni Gallent bilang head coach ng B-Meg Derby Ace si Paul Ryan Gregorio na lumipat sa baguhang prangkisang Meralco Bolts.
Well, what do you know?
Sa apat na coaches na nagtatagisan ng talino’t husay sa best-of-seven semifinal round ng PBA Philippine Cup, aba’y kabilang pa rin sina Agustin at Gallent.
Naigiya ni Agustin sa No. 2 overall sa pagtatapos ng elimination round ang Beermen at magaang na ginapi nila ang Air21 Express sa quarterfinals. Makakalaban ng San Miguel Beer ang sister team Barangay Ginebra sa semis simula sa Miyerkules.
Naipanalo naman ni Gallent ang B-Meg , 2-0 kontra Meralco Bolts sa semis upang makapasok sila sa semis kontra sa Talk N Next. Nagsimula ang kanilang serye noong Disyembre 26 kung kailan tinalo ng Tropang Texters ang Llamados para sa 1-0 kalamangan sa serye.
Akalain mo iyon? Ang dalawang bagong coaches ay nasa semis samantala ang anim na beteranong coaches ang nagbakasyon na at naghahanda na para sa second conference.
Patunay lang ito na hinog na’t handang-handa na talaga sina Agustin at Gallent para sa PBA.
At hindi naman kasi puwedeng balewalain ang kanilang credentials.
For one, si Gallent ang huling pinakamatagumpay na coach sa Philippine Basketball League dahil sa iginiya niya sa limang sunud-sunod na kampeonato ang Harbour Centre bago niya tinanggap ang pusisyon bilang assistant coach ni Gregorio sa Purefoods Tender Juicy Giants (ngayo’y B-Meg).
Ang tanging low point ni Gallent ay ang pangyaya-ring nabigo siyang ihatid man lang sa semifinals ang San Sebastian Stags sa loob ng dalawang seasons na hinawakan niya ito sa National Collegiate Athletic Assocaition (NCAA).
At dito naman nagtagumpay si Agustin na siyang humalili kay Gallent bago nagsimula ang 2009-10 season ng NCAA.
At pag-upong pag-upo ni Agustin ay naihatid niya kaagad sa tagumpay ang Stags. Nakabuo kaagad siya ng Cinderella finish sa kanyang unang torneo sa NCAA. Bukod doon ay marami pang ibang collegiate tournaments ang napagtagumpayan ni Agustin. Kaya nga kaagad siyang kinuha bilang consultant ng San Miguel Beer noong nakaraang season.
Hangad sana ni Agustin na maidepensa ng Stags ang korona at makumpleto ang back-to-back titles sa NCAA. Pero hindi na sila lumusot pa sa nagngangalit na San Beda sa nakaraang torneo kung saan nakakumpleto ng 17-game sweep ang Red Lions.
Magkaganoon man ay iniakyat na siya bilang head coach ng San Miguel Beer.
Ang tanong: Makakabuo kaya ng Cinderella finish ang sinuman kina Agustin at Gallent sa Philippine Cup?