MANILA, Philippines - Tangan ng St. Clare College-Caloocan ang liderato sa B-League inter-collegiate billiards competition dahil sa mahusay na ipinakikita nina Ritchie Goco at Eliezer Castillo.
Mayroon 29 panalo sa 36 laban ang Saints sa ligang inorganisa ng National Collegiate Billiards League (NCBL) at nilahukan ng 19 na koponan na naglalaro tuwing Sabado’t-Linggo lamang sa Star Billiards Center sa Quezon City.
Si Goco nga ang lumabas na mainit na manlalaro ng St. Clare dahil may siyam na panalo ito sa sampung laban. Ang tanging kabiguan na nalasap ni Goco ay kay Andrei Ruiz ng FEU, 4-7.
Si Castillo naman ay nanalo ng walo sa 10 laban at anim dito ay kinuha sa 10-ball.
Isa pang nagpapasikat ay si Vennis Mariano na mayroong limang panalo sa 10-ball.
Ngunit hindi pa konteto si Saints coach Bernie Diswe dahil alam niyang mas mabigat ang labanan sa mga susunod na yugto ng kompetisyon.
Hindi rin naging maganda ang pagtatapos ng St. Clare sa kanilang asignatura bago pumasok sa dalawang linggong bakasyon ang liga dala ng paggunita ng Kapaskuhan dahil natalo ang koponan sa FEU, 1-2, noong Disyembre 19.
Lumabas na mahina ang Saints sa 8-ball doubles competition dahil lima sa pitong kabiguan ay nangyari sa event na ito.
“Gagamitin namin ang two-week break upang itama ang mga mali sa laro namin. We have to do a better job in the coming weeks, especially in the 8-ball doubles,” wika ni Diswe.
Ang FEU ang lumalabas na mahigpit na kalaban ng St. Clare sa ngayon dahil may 28-8 panalo-talo karta ang koponan para malagay sa ikalawang puwesto.
Ang Philippine Maritime Institute (PMI) ang nasa ikatlong puwesto sa 27-9 habng magkadikit naman sa ikaapat at limang posisyon sa 26-10 karta ang University of the East at National University.
Ang iba pang makakatapat ng St. Clare sa pagtatapos ng first round sa double round elimination ay ang PMI, UE, Letran (20-16), UST (19-17) at Mapua (13-23).