Nadisgrasya

MANILA, Philippines - Pinatunayan ng Chang Thailand Slammers na hindi tsamba ang kinuhang huling tagumpay sa Philippine Patriots nang iuwi ang 83-76 double overtime panalo sa pagbabalik aksyon kahapon ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II sa Nimibutr National Stadium sa Bangkok, Thailand.

Sinandalan ng host team ang husay ng mga local players na sina Sopon Pinitpatcharalert, Attaporn Lertmalaiporn at Piyapong Piroon upang ma-outscore nila ang nagdedepensang kampeon sa ikalawang extention, 9-2, para mapan­a­tili ang hawak sa liderato sa anim na bansang kopo­nan.

Ito ang ikalawang su­nod na panalo ng Slammers sa Patriots matapos ang 69-68 tagumpay na kinuha sa Ynares Sports Arena noong Nobyembre 20 at tuluyang matabunan ang 48-54 pagyuko sa unang tagisan sa Bangkok noong Oktubre 23.

Si Jason Dixon at Chris Kuete nga ay naghatid ng tig-19 puntos pero nakakuha sila ng matibay na suporta sa tatlong Thai cagers upang manatili ang pagkakahawak sa liderato sa anim na koponang liga sa pagsungkit sa ika-10 pa­nalo matapos ang 13 laro.

Ito naman ang ikali­mang kabiguan laban sa wa­long panalo ng tropa ni coach Louie Alas na kahit nananatili sa paghawak sa ikalawang puwesto ay angat na lamang ng kala­hating laro sa pumapa­ngatlong Westports KL Dragons (7-5).

Maaga lumamang ng 10 puntos, 12-2, ang Patriots sa unang yugto pero hindi nila nadepensahan ang Slammers na nakabangon at nakuha pa ang 37-35 bentahe sa halftime.

Nakabawi kahit paano ang Patriots nang tanga­nan ang 51-49 kalamangan matapos ang ikatlong yugto ngunit patuloy ang malamyang depensa ng koponan upang makabawi uli ang host team.

Ang ikalima at huling foul sa laro ni Gabe Freeman kay Attaporn ang nag­resulta sa split sa 15-foot line ng Thai player pa­ra hawakan ang 64-62 bentahe.

Pero sinuwerte si Steve Thomas na nakuha ang sablay na buslo ni Allan Sa­langsang para maitabla ang laro at maihirit ang unang overtime.

Sa pagsisikap ni Egay Billones ay nahawakan ng Patriots ang 74-72 kalama­ngan ngunit ang mahinang depensa ay nakitaan uli ng butas ni Sopon para ma­itabla uli ang laban at maitakda ang ikalawang overtime.

Pero ubos na si Billones sa ikalawang overtime at dalawang turnovers nga ang ginawa nito habang si Sopon ay bumanat ng tres habang 3-point play naman ang ginawa ni Piroon para ibigay sa Slammers ang 82-74 kalamangan na tuluyang nagselyo sa pa­nalo.

Nananatiling buhay naman ang pumangalawa sa Patriots sa Season I na Satria Muda BritAma na ma­kabalik semifinals nang kunin ang 87-70 panalo sa talsik nang Brunei Barracudas sa larong ginanap sa Brunei.

Limang manlalaro ng BritAma ang umiskor ng doble-pigura upang lagyan ng kinang ang pagbitbit ng koponan ng ikalimang panalo sa 13 laro habang ipinalasap sa Barracudas ang ika-10 kabiguan sa 13 asignatura.

Show comments