HOUSTON - Umalis si Dwyane Wade sa Houston na may sugat sa kanyang labi at isang bagong season high sa points.
Umiskor si Wade ng 45 points at pinahaba ng Miami Heat ang kanilang road winning streak sa 10 matapos igupo ang Rockets, 125-119.
Ipinoste ng Heat ang franchise record mula sa kanilang 10th road win at naging unang koponan sa NBA history na nanalo ng 10 sunod na road games sa isang calendar month.
Naglaro si Wade sa huling 10 minuto na may bandage na tumakip sa kanyang sugat.
Dalawang minuto bago ito, sumalaksak si Wade laban kay Brad Miller at bumagsak sa sahig para sa kanyang three-point play na nagbigay sa Heat ng 100-93 lamang kontra Rockets.
Nagtala si Wade ng 17-of-24 fieldgoals at naglista ng perpektong 10-for-10 sa free-throw line.
Ito ang pang walong pagkakataon na nagposte si Wade ng 45 points.
Sa iba pang laro, pinataob ng L.A. Lakers ang New Orleans Hornets, 103-88; ginapi ng Sacramento Kings ang Memphis Grizzlies, 100-98 at diniskaril ng Detroit Pistons ang Boston Celtics, 104-92.