MANILA, Philippines - Lumabas ang husay ng mga local players nang manalo ang mga koponang hindi kumuha ng mga banyagang manlalaro sa dalawang conferences na isinagawa sa 2010 Shakey’s V-League.
Naghati ang UST at Adamson sa kampeonatong pinaglabanan sa liga nang pareho silang nanalo sa San Sebastian College na naihanay din bilang malakas na koponan dahil sa pagkaapak sa finals sa dalawang conference ng Season VII.
Ang dating UST player at national player na si Mary Jean Balse at Rhea Dimaculangan ang kinuhang imports ng Lady Tigresses at mahusay ang kanilang pagtatambal sa mga regular na manlalarong sina Aiza Maizo, Denise Santiago at Maika Ortiz para kunin ang 2-1 tagumpay sa Lady Stags sa First Conference.
Pinalakas ang San Sebastian sa paghugot uli sa regular na import na si Jeng Bualee ng Thailand ngunit hindi umubra ang lakas nito dahil sa pagtutulungan ng manlalarong ginamit.
Ang tagumpay ay nagluklok din sa UST bilang pinakamahusay na koponan sa V-League matapos kunin ang ikaanim na titulo sa liga sa bisa ng 3-peat na ito.
Nagpahinga naman ang UST sa second conference dahilan upang mapaboran uli ang San Sebastian na hindi na nagpalit ng manlalaro.
Pero talunan uli sila dahil hindi nila nasabayan ang init ng hamong hatid ng Lady Falcons na tila isang diesel na ginamit ang eliminasyon upang maperpekto ang laro na kanilang napakinabangan sa pag-usap sa mga krusyal na yugto ng labanan.
Sina Nerissa Bautista, Michelle Laborte, Angela Benting, Pau Soriano at Angelica Vasquez ang mga tumayo para sa Lady Falcons na hiniya ang Lady Stags nang kunin ang dominanteng 2-0 sweep sa championship series.
Ito ang pangalawang kampeonato ng Adamson upang malagay sa ikatlong puwesto sa paramihan ng titulong napanalunan sa ligang inorganisa ng Sports Vision sa taong 2004.
Ang nasa ikalawang puwesto ay ang nagpahinang La Salle na may tatlo sa 12 conference na pinaglabanan na.
Ang Lady Stags na nagkampeon sa second conference ng ikalawang season ay nangunguna naman sa paramihan ng second place trophy na bumilang na sa anim.
Kasabay ng pagkinang ng UST at Adamson ay ang paglutang din sa kahusayan nina Maizo at Bautista na hinirang bilang mga Finals MVP.
Ikalawang sunod na Finals MVP ito ni Maizo matapos hirangin din bilang Conference MVP sa 2nd conference ng Series VI habang naisama naman ni Bautista ang tropeo kahanay ng Conference MVP trophy na nahablot sa 1st conference ng ikalimang season.