MANILA, Philippines - Nanalo sina top seed Cassandra Lim at second seed Kaydee de Jesus upang maipagpatuloy ang pagmartsa sa girls singles U-15 sa Ming Ramos-Victor National Open and Youth Badminton Championships sa Club 650 sa Libis, Quezon City.
Ang 14-anyos na si Lim ay nagpakita ng husay sa kabuuan ng laban upang kunin ang 21-8, 21-6, tagumpay kay Mikaela Aquino habang walang hirap na walk-over naman ang kinuha ni De Jesus sa kanyang asignatura.
Sunod na kalaban ni Lim ay si Faith De Vera nang hindi sumipot ang fifth seed Diane Catangay habang si De Jesus ay masusukat kay Bianca de Guzman na nanalo kay Raelynne Almendras, 21-17, 21-14.
Hindi rin natinag ang mga top seeds sa boy’s U-19 nang manalo sina Joper Escueta at Peter Magnaye sa kanilang asignatura upang umabante na rin sa quarterfinals.
Tinalo ni Escueta si Jesshard Piol, 21-7, 21-10, habang si Magnaye na kagaya ng top seed ay kasapi ng national pool at naglaro sa Singapore kamakailan, ay pinagpahinga na si Diego Libiran, 21-12, 21-12.
Inorganisa ng Philippine Badminton Association na pinangungunahan ni dating First Lady Amelita “Ming” Ramos, sunod na kalaro ni Escueta si fifth seed Nikko Saquin habang si Magnaye ay masusukat kay Joshua Monterubio at ang mananalo ay papasok na sa semifinals.
Tinalo ni Saquin si Brent Wu, 21-12, 21-16, habang dominanteng 21-0, 21-0, ang hinugot ni Monterubio kay Raymund Ajero.
Tagisan sa pagitan nina Aleckhine Aquino at Kevin Cudiamat at Lance Bautista at Honesto Buendia ang matutunghayan sa isang hati ng semifinals sa torneong suportado rin ng San Miguel Corporation at Victor ay may basbas ng Badminton World Federation (BWF) at Badminton Asia Confederation (BAC).
Ang mga aksyon ay lilipat na sa Rizal Memorial Badminton Hall at kasama sa sasalang ay si Malvinne Alcala.
Si Alcala na edad 15 ay siyang natatanging gold medal winner ng bansa sa Singapore Youth International at patok na manalo uli sa girls singles U-19 division.
Kalaro ni Alcala si Jonelyn Nieto na tinalo si Justine Ampuan, 12-21, 21-15, 21-13 at ang mananalo ay papasok na rin sa semifinals.
Ang second seed na si Danica San Ignation ay makakaharap naman si Danice peligrino na winalis si Clarissa Pascual sa 21-0, 21-0, straight sets panalo.