MANILA, Philippines - Hiniling ng Philippine Sports Commission (PSC) na maging makatarungan ang mga National Sports Associations sa kanilang isinusumiteng budget na nais maipagkaloob ng ahensya ng palakasan ng bansa.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, nagugulat siya sa ilang mga request mula sa NSAs dahil sobrang laki ang kanilang nais na makuha para ipantustos sa kanilang programa para sa 2011.
Hinihingian ng PSC ang mga NSAs ng kanilang plano at budget requirements na dapat ay maipasa na bago matapos ang taong ito para agad na mapag-aralan ng komisyon katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC).
“May dalawang NSAs ang humihingi ng P40 million budget para sa kanilang mga programa. Sobrang laki ito at hindi na makatarungan. Kahit na gaano pa kalaki ang perang ilalaan sa 2011 ay hindi magkakasya kung ganito kalaki ang gusto ng isang NSA,” wika ni Garcia.
Hindi rin lulusot ang ganitong kahilingan dahil susuriin din ito ng POC sa pangunguna ng pangulong si Jose ‘Peping’ Cojuangco Jr.
“Kaya umaapela ako na maging realistic ang budget na kanilang hinihingi. I-review nila ang kanilang isusumite sa amin para madali itong matalakay. Kung P40 milyon ang hihingiin ang kaya lang namin ay P5 milyon hindi na rin namin ito ibibigay sa kanila dahil hindi nila mapupunuan ang kakulangang halaga,” dagdag pa ni Garcia.
Inaapura ng PSC ang mga NSAs dahil nais nilang magkaroon ng maagang paghahanda ng mga manlalaro para sa paglahok ng bansa sa Southeast Asian Games sa Indonesia.