Caguioa susi ng Ginebra sa semis, napiling PBA Pow
MANILA, Philippines - Mula sa bench, tumipa si Mark Caguioa ng 20 points para ihatid ang Gin Kings sa semifinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kontra Beermen.
Ayon kay Barangay Ginebra head coach Jong Uichico, nag-iba na ang paglalaro ng produkto ng Glendale Community College matapos ang ilang taon sa PBA.
“He has matured so much as a player,” sabi ni Uichico sa 31-anyos na off-guard na dating isang starter ngunit ngayon ay mas komportable na bilang reliever. “He has evolved from scorer to playmaker to defender, especially in our Alaska series. He is the epitome of our never-say-die spirit.”
Sa kanyang paggiya sa Gin Kings sa dalawang sunod na panalo matapos matalo sa Game One ng kanilang best-of-three quarterfinals series, tinanghal si Caguioa bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Naging istrumento rin ng tagumpay ng Ginebra sa Alaska sina Rudy Hatfield (13 points, 15.5 rebounds) at Ronald Tubid (13.5 points).
Matapos isuko sa Aces ang Game One, 101-104, pinangunahan naman ng 2001 Rookie of the Year awardee na si Caguioa ang Gin Kings sa 94-76 panalo sa Game Two.
Umiskor naman si “The Spark” ng 16 points sa 79-70 paggupo ng Ginebra sa Alaska sa Game Three upang tuluyan nang itakda ang kanilang best-of-seven semifinals showdown ng San Miguel.
Magsisimula ang semis duel ng Gin Kings at Beermen sa Enero 5, 2011 sa Araneta Coliseum.
- Latest
- Trending