AUBURN HILLS, Mich.--Halos maipamigay ng Chicago Bulls ang panalo sa Detroit Pistons.
Ngunit sa huli, dinala nina Carlos Boozer at Derrick Rose ang Bulls sa tagumpay.
Humakot si Boozer ng 31 points at 11 rebounds, habang kumolekta naman si Rose ng 23 points at 12 rebounds para igiya ang Bulls sa 95-92 overtime win kontra Pistons.
Dinala ni Charlie Villanueva ang Detroit sa extra period mula sa kanyang tip in galing sa mintis ni Richard Hamilton sa huling 0.6 segundo.
Sa overtime, tatlong sunod na turnover ni Tayshaun Prince para sa 91-88 abante ng Bulls sa huling 1:33 ng laro.
Muling nailapit ni Rodney Stuckey ang Detroit sa 90-91 kasunod ang layup ni Boozer sa natitirang 41 segundo para muling ilayo ang Chicago sa 93-90.
Sa Cleveland, umiskor si Michael Beasley ng driving layup may 5.9 segundo ang nalalabi at tumapos ng 28 puntos upang tulungan ang Minnesota na wakasan ang kanilang pitong dikit na kabiguan matapos silatin ang home team sa iskor na 98-97.
Humataw si Beasley matapos kumana si Antawn Jamison ng basket may 10.6 segundo sa laro ang nagbigay sa Cavs ng pangunguna.
Tumapos naman si Luke Ridnoir ng 23 puntos at tulungan ang Minnesota na pagandahin ang kanilang kartada sa 7-24.
Sa San Antonio, tumapos si Tony Parker ng 20 puntos at 14 assists at palawigin ng NBA-leading San Antonio Spurs ang pagkadismaya ng Washington Wizards sa bisa ng 94-80 panalo.
Sa iba pang laro, nanalo ang L.A. Clippers sa Phoenix Suns, 108-103; New Orleans Hornets sa Atlanta Hawks, 93-86; Memphis Grizzlies sa Indiana Pacers, 104-90 at Philadelphia 76er sa Denver Nuggets, 95-89.