FLORIDA--Naglista si Gilbert Arenas ng 14 puntos bukod pa ang siyam na assists upang tulungang ibangon ang Orlando Magic sa pagposte ng 123-101 panalo laban sa San Antonio Spurs nitong Huwebes sa NBA.
Ang panalong ito ng Magic ang siyang tumapos sa 10-game winning streak ng Spurs.
Humatak rin si Arenas ng anim na rebounds kung saan nakakuha siya ng malaking tulong mula kay Jason Richard na tumapos ng 15 puntos at winakasan ng Magic ang kanilang walong dikit na pagkatalo sa kanilang siyam na pakikipaglaban at sa unang pagkakataon ay nagawa nilang magwagi matapos ang isinagawang dalawang blockbuster trades.
Nagposte naman si Dwight Howard ng 29 puntos at 14 rebounds para sa kanyang panibagong dominanteng performance para sa Magic na kumana ng 59 percent mula sa floor.
Nanguna sa opensa ng Spurs si Tony Parker na nag-lista ng 16 puntos, habang nagdagdag naman si Tim Duncan ng 12 puntos at nalasap ng NBA-best Spurs ang kanilang ikaapat na pagkatalo matapos manalo ng 25 games.
Si Arenas ang nagmaniobra sa ginawang malaking atake ng Magic kung saan lumaro siya ng malaking oras mula sa bench.
Umentra siya sa Spurs na lamang ng anim na puntos sa first quarter at mula dito gumawa siya ng matinding opensa at tulungan ang Orlando sa pag-angking ng 62-53 pangunguna sa halftime tungo sa kanilang panalo.