MANILA, Philippines - Tiniyak ng bagong luklok na pangulo ng Philippine Football Federation na si Mariano “Nonong” Araneta na mas gaganda na ang takbo ng football sa bansa dahil pagkakaisahin niya ang mga sumusuporta sa sport sa bansa.
“It’s time to unite and truly revive Philippine football. We will ride on the momentum of the success of our team,” wika ni Araneta.
Kinilala na ng international body FIFA ang liderato ni Araneta na iniupo ng mayorya ng board of directors upang makahalili ang pinatalsik na si Jose Mari Martinez.
Si Jerome Valcke na FIFA sec-gen ang sumulat sa PFF upang batiin si Araneta dahil kinilala na siya ng FIFA matapos makuha ang mga dokumentong nagpapatunay na nasa tamang proseso isinagawa ang pagpapatalsik kay Martinez.
May liham din si Geoff Thompson na FIFA vice president at chairman ng association committee noong Nobyembre 27 na nagsasaad na tama ang hakbang na ginawa ng PFF nang tanggalin nila si Martinez.
“Based on this opinion, we consider that the motion to remove the PFF president Jose Mari Martinez was accepted and that the has been replaced by Mariano “Nonong” Araneta,” pahayag ni Thompson sa kanyang liham.
Maninilbihan si Araneta ng hanggang Nob. 26, 2011 at pangunahin niyang plano ay ang pagsasagawa ng mga kompetisyon upang makatuklas pa ng mga bagong mukha para sa pambansang koponan.
May plano rin silang habulin si Martinez na hindi pa nali-liquidate ang P2.8 milyon pera ng asosasyon.
“I’m not the one to say if charges will be filed against him. It’s the board that will decide on that. But if someone is accountable, then he will be made accountable,” pahayag pa ng bagong PFF president.