MANILA, Philippines - Binawi ng international football body na FIFA ang naunang pagkatig sa pinatalsik na pangulo ng Philippine Football Federation na si Jose Mari Martinez.
Isang liham ang ipinadala ni FIFA secretary-general Jerome Valcke ang kumilala na sa pamunuan ni Mariano “Nonong” Araneta na iniluklok ng nakararaming PFF board of directors sa isang election na ginanap noong nakaraang buwan.
Kasama sa kinilala ay ang pagkaupo rin ni Ismael C. Batiles Jr. bilang PFF Executive Vice President at sila ni Araneta ay maninilbihan sa PFF hanggang November 26, 2011 na kung saan dapat magtatapos ang termino ni Martinez.
“We would like to congratulate both Mr. Mariano V. Araneta and Mr. Ismael C. Batiles, Jr. to their election and thank you for taking note,” wika ni Valcke sa kanyang liham na ginawa nitong Nobyembre 30.
Pinasalamatan naman ni Araneta ang maagap na pagkilos ng FIFA dahil maraming trabaho ang haharapin ng bagong pamunuan ng PFF.
Isa sa paghahandaan ay ang isasagawang Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup laban sa Mongolia. Home and away din ang format ng kompetisyon at sa Pilipinas unang isasagawa ang leg sa Pebrero 9.
Ang national football team na pumasok sa unang pagkakataon sa semifinals ng AFF Suzuki Cup ang siyang babandera uli sa koponan na inaasahang makakapagbigay ng matinding laban sa Mongolia matapos nga ang makasaysayang paglalaro sa huling kompetisyon.