La Salle-Manila kampeon sa Inter-Cities chessfest
DAGUPAN City, Philippines - Tinanghal na overall champion ang La Salle-Manila sa 2010 National Inter-Cities and Municipaities rapid chess championship na idinaos sa People’s Astrodome dito nitong Linggo.
Ibinigay nina Joel Pimentel at Jimsoon Bitoon ang kinakailangang panalo sa final three rounds upang tulungan ang La Salle-Manila na tapusin ang nine-round sa pagposte ng kabuuang 16 puntos mula sa pitong panalo at dalawang draws sa prestihiyosong dalawang araw na competition na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa kooperasyon ng Dagupan City government.
Ang panalo ay nagbigay sa La Salle-Manila ng P70,000 premyo.
Nagsalo naman ang Metro Manila Development Authority-Makati, binanderahan ni GM Wesley So at Don Galo-Parañaque City, na minanduhan naman ni David Elorta mula sa ikalawa hanggang ikatlong puwesto taglay ang 14 puntos.
Nagtabla ang Calamba-GP Tex Global-A at Roxas-Palawan sa 4th hanggang 5th places taglay ang 13 points.
Tinalo ni Pimentel si Mari Joseph Turqueza at pinisak ni Bitoon si Jayson Mercado para sa 2.5-1.5 pananaig ng La Salle laban sa Local Water Utilities Administration-Quezon City-A sa ninth at final round.
Pinangunahan ni So ang MMDA-Makati sa pagposte ng 2.5-1.5 na panalo laban sa Antipolo City sa seventh round at 3.5-.5 paglusot sa Roxas-Palawan sa eight round ng torneo.
- Latest
- Trending