Carlo Biado hari ng Star billiards
MANILA,Philippines - Nagpakita ng pangil sa pool si Carlo Biado nang talunin ang kasamahan sa Bugsy Stable na si Roberto Gomez, 13-8, tungo sa pagbulsa sa December edition ng Star Billiards 10-ball Tournament sa Star Billiards Center sa Quezon City.
Ito ang ikalawang malaking panalo sa bansa ni Biado dahil nauna niyang pinagharian ang Manny Pacquiao 10-ball Tournament sa General Santos City.
Hindi biro ang dinaanan ni Biado upang makuha ang kampeonato at ang P100,000 gantimpala dahil dinaanan muna niya ang Asian Games gold medalist Dennis Orcollo sa semifinals upang makaharap si Gomez na nanalo naman kay Demosthenes Pulpul.
Sa panalo, naipakita ni Biado na puwede na rin siyang ihanay sa mga bigating manlalaro ng bansa.
Si Gomez ay nakontento na lamang sa P40,000 gantimpala habang tig-P10,000 naman ang naiuwi nina Orcollo at Pulpul sa torneong inorganisa ni Sebastian Chua.
Sina Ronato Alcano, Raymond Faraon, Lee Van Corteza at Bob Flores ang nalagay sa ikalima hanggang ikawalong puwesto para sa tig-P5000 premyo habang sina Jeff de Luna, Antonio Lining, Judel Mazon, Judi Villanueva, Elvis Calasang, Joven Bustamante, John Salazar at Eric Rodriguez ay tumanggap naman ng tig-P2,500 nang mabuo nila ang top 16 puwesto.
- Latest
- Trending