MANILA, Philippines – Inilabas ng The Philippine Star ang itinatagong galit sa kani-kanilang dibdib upang ipaghiganti ang tinamong kabiguan ng sister team na Pilipino Star NGAYON makaraang pakainin ng alikabok ang Team Remate, 92-71 sa semifinals ng Remate/Ahon Foundation Inter Publication basketball tournament sa San Andres Sports Complex sa San Andres kahapon.
Ang panalo ay nagdala sa Starmen sa finals at makakasagupa nila ang Team People’s Tonight na nakalusot naman sa Team Hataw, 122-109 sa isa pang semis match.
Sa simula pa lamang ng bakbakan ay nagmistulang mga basang sisiw na nabalian ng mga pakpak ang Remate ng halos hindi sila makagawa ng basket bunga ng matinding depensa ng mga higanteng manlalaro ng Star sa pangunguna nina Cris Corbin, Ting Hojilla, Gerald Ortega at Nestor Reyes ng umalagwa agad sa unang bugso pa lamang ng first half.
Isa sa naging malaking sandata ng Starmen ay ang tikas nila sa 3-point area na hindi nagawang tapatan ng Remate kung saan lulugo-lugo sila at nagmistulang mga basahang ipinamunas sa buong stadium.
Pinilit ng Remate na paliitin ang inilatag na malaking pundasyon ng Starmen, ngunit para lamang silang mga batang musmos na inagawan ng kendi sa pagpipilit na makadikit sa laban.
Sa huling 4 na minuto ng laro,ibinuhos ng Starmen ang kanilang matinding opensa at tambakan ng halos 21 puntos tungo sa kanilang panalo.