MANILA, Philippines – Umiskor ng magkahiwalay na panalo sina Malvinne Ann Alcala at Joper Escueta patungo sa semifinal round ng Singapore Youth International 2010 sa Yio Chu Kang Sports Hall sa Singapore.
Tinalo ni Alcala si Wing Yung Ng ng Hong Kong, 21-11, 21-13, para makaharap si Indonesian bet Febrtria Adistra Ratoputri sa girls’ singles under-17 class.
Naunang binigo ni Alcala si Nastasia Kristiani Patricia, 21-4, 21-7, sa round of 32 bago isunod si Indonesian Uzchi, 21-8, 21-13, papunta sa quarters.
Pinayukod naman ni Escueta si Chinese Taipei pride Meng Jui Tsai, 22-20, 21-17, papasok sa Final Four ng boys’ singles under-19 category.
Makakatapat niya si second seed Chao Huang ng Singapore.
Bago ito, ginitla muna ni Escueta si Thai Nattaphon Chokdeepanich, 19-21, 21-8, 21-12, sa last 32 ka-sunod ang pagsibak kay Aussie Honesto Buendia, 21-16, 21-17.
Ang naturang torneo ang magsisilbing tune-up para sa mga Filipino players na lalahok sa darating na Ming Ramos-Victor National Youth Championship sa Disyembre. 27-30 sa Club 650 at sa PSC Badminton Hall.