MANILA, Philippines – Pinagharian ni Mark Julius Bonzo ang elite division sa inilargang 2010 Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) Pamaskong Handog sa mga Siklista kahapon sa Quezon City Circle.
Ang 23-anyos na si Bonzo na anak ng 1983 Tour Champion na si Romeo Bonzo, ay kumawala sa huling 500m sa 10-ikot na karera laban sa dalawang Bikolanong riders para makopo ang titulo at ang P7,000 gantimpala.
“Hindi ko inakala na mananalo ako dahil nakakatakot ang daan dahil madulas dala ng ulan. Lumayo kami sa lead pack pagpasok sa seventh lap at mula rito ay tinuluy-tuloy na namin,” wika ni Bonzo na 2009 Tour ng Luzon Rookie of the Year, na may bilis na 24 minuto at 26.73 segundo.
Pumangalawa si Cris Joven habang si Rudy Roque ang pumangatlo sa karerang inorganisa ng ICFP habang si Irish Valenzuela ang tumapos lamang sa ikaapat na puwesto.
Ang paglahok ni Bonzo ay ginagamit niya bilang bahagi sa paghahanda sa pagsali uli nito sa Tour ng Luzon sa 2011.
Nakuha ni Bonzo ang karapatang masama sa Tour nang tumapos ito sa ika-17th puwesto sa qualifying road race sa Tagaytay City kamakailan.
Kuminang naman si Arnold De Jesus sa juniors habang ang beteranong si Ruel Gendrano ang nangibabaw sa Masters.
Si De Jesus ay nakitaan ng tibay sa hamong hatid ngmga national riders na sina John Mark Camingao at George Oconer nang kunin ang panalo sa 10-ikot ding karera sa bilis na 24:58.78 tiyempo.
Si Gendrano ay naorasan naman ng 2:52:97 para talunin sina Rex Cortez at Jun Divinaflor.
Si ICFP president Philip Ella Juico ang siyang nanguna naman sa simpleng opening ceremony kasama ang mga ICFP officials na sina Pio Chua, Loy Cruz at Ricky Cruz.