MANILA, Philippines – Bigo ang Pambansang delegasyon na kumatawan sa bansa sa 2010 Asian PARA Games na mapatotohanan ang prediksyon na limang ginto nang makontento lamang sa apat na pilak at tatlong bronze medals sa pagtatapos ng torneo na ginanap sa Guangzhou, China.
Si Paralympian Adeline Dumapong-Ancheta ang huling manlalaro ng bansa na sumabak sa aksyon at nabigo siyang makapaghatid ng ginto nang makontento sa ikalawang puwesto sa +82.5 division sa powerlifting.
May 115kg lamang ang pinakamataas na buhat ng 37 anyos na si Ancheta na mababa kumpara sa 130kg na ginawa ni Li Fengmei ng China na siyang sumungkit ng ginto.
Ang bronze medal ay nakuha naman ni Lee Hyun Jung sa 97.5 kg marka.
Ang powerlifters ng koponan ang siyang bumalikat sa kampanya ng 34-manlalaro na ipinadala ng Philspada dahil naunang umani rin ng pilak si Achelle Guion sa women’s -44 kg.
Sina Isidro Vildolosa ng athletics at Josephine Medina ng table tennis ang iba pang manlalaro na kumuha ng pilak habang sina Anna Grace Abeto at Roger Tapia ng athletics at Daniel Damaso Jr. ng swimming ang mga sumungkit ng bronze medals.
Ang marka ay mababa kumpara sa naitala sa huling edisyon sa Malaysia nang manalo ng dalawang ginto ang inilabang koponan.
Pitong sports ang nilahukan ng Pilipinas at hindi nakapag-ambag ang lahok sa judo, tenpin bowling at cycling.
Ang China ang lumabas na overall champion sa 185 ginto, 118 silver at 88 bronze medals habang ang Japan ang pumangalawa sa 32-39-32 at ang Korea ang pumangatlo sa 27-43-33.
Ang Korea ang siyang sunod na magiging punong-abala ng kompetisyon sa 2014.