MANILA, Philippines - Ang mga leading shuttlers at upcoming stars mula sa junior ranks ang itatampok sa Ming Ramos-Victor National Open, Youth and Corporate Badminton Championships na hahataw sa Disyembre 27 sa Club 650 and PSC Badminton Hall sa Rizal Memorial Sports Complex.
Pamumunuan nina Malvinne Ann Venice Alcala at Joper Escueta ang labanan sa Open division na inorganisa ng Philippine Badminton Association at may basbas ng Badminton World Federation at ng Badminton Asia Confederation.
Magpapadala ang BAC ng mga personnel para obserbahan ang pamamahala ng PBA sa naturang event. Si Alcala ay nakapasok sa main draw ng Hong Kong Super Series matapos talunin si Malaysian top singles junior player Lydia Li Ya Cheah at si Hong Kong bet Ngan Yi Cheung sa Open category.
Ang torneo ay naglalatag ng total prize fund na P350,000 at halos P450,000 halaga ng equipment mula sa Victor.
Limang age-group classes ang itatampok sa torneo, kasama rito ang Under-19, Under-17, Under-15, Under-13 and Under-11 para sa boys’ and girls’ singles at doubles events.