Sharks umulit sa Bulls, titulo sa BP Series 7 winalis
MANILA, Philippines - Makasaysayang pagtatapos ang ginawa ng Manila Sharks sa Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII nang kunin ang 7-0 shutout panalo sa Batangas Bulls kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Tatlong hits lamang sa kabuuang nine innings ng pagpukol ang ibinigay ni Charlie Labrador upang pamunuan ang koponang suportado ng Harbour Centre sa 2-0 sweep sa Bulls at mapagtagumpayan na itala ang pangalan bilang kauna-unahang koponan na naka-back-to-back champion sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc.
May pitong hits naman ang kinuha ng Sharks batters kina VIadimir Eguia at Romeo Jasmin ngunit ang tunay na pumatay sa Bulls ay ang limang errors na nagawa sa laro.
Tatlo rito ay nangyari sa ikaanim na innings na nakatulong para makaiskor ng limang runs ang Sharks upang ilayo ang koponan sa 7-0.
“Talagang determinano ang mga players na tapusin ang larong ito ngayon. Maganda ang inilaro ni Charlie pero ang ibang players ay gumawa rin at tumulong para sa panalong ito,” wika ni Manila team manager Jhoel Palanog.
Si Jon Jon Robles na siyang pumukol sa 8-2 panalo sa Game one ay naglaro bilang right fielder ay mayroong anim na putouts upang magningning sa depensa.
Siya rin ang nagpasimula sa limang runs sa anim na inning nang makapasok sa perfect slide sa homeplate.
“Ang panalong ito ay alay namin sa management na buo ang suporta sa amin lalo na sa team owner na si Dr. Mikee Romero na tumawag sa akin at hiniling na tapusin na ang seryeng ito,” dagdag pa ni Palanog.
Binati naman ni Romero ang koponang binuo ni Richard Cruz. “I want to congratulate Manila Sharks for the historic back to back titles. Especially to Richard Cruz who put the team together since day one,” wika ni Romero sa text message sa koponan.
Hindi nasayang ang pagbibida ni Labrador sa series na ito dahil bukod sa pagiging Best Pitcher, siya rin ang hinirang bilang MVP ng Finals.
Ang kakamping si Marvin Malig ay nakatabla si Ernesto Binarao bilang Home Run King award habang si Binarao na naglaro sa Taguig, ay nanalo rin bilang Best Hitter at Most RBI.
Si Virgilio Roxas ng Bulls na hindi kumonekta sa apat na pagpalo, ang nanalo sa Most Stolen Bases at Regular season MVP habang si Bulls team manager Randy Dizer at Umpire Buddy Junio ang hinirang bilang Best Manager at Best Umpire ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending