MANILA, Philippines - Isang panalo lamang ang kailangan ng Tropang Texters at Beermen para masikwat ang dalawa sa apat na semifinals ticket.
Bitbit ang kanilang mga ‘twice-to-beat’ incentives, sasagupain ng No. 1 Talk ‘N Text ang No. 8 Rain or Shine ngayong alas-4 ng hapon at lalabanan ng No. 2 San Miguel ang No. 7 Air21 sa alas-6:30 ng gabi sa quarterfinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Parehong nagtapos ang Tropang Texters ni Chot Reyes at Beermen ni Ato Agustin na may 11-3 rekord sa elimination round.
Ngunit dahil sa mas mataas na quotient kumpara sa San Miguel, naagaw ng Talk ‘N Text ang No. 1 spot sa quarterfinals.
Hangad ng Tropang Texters ang kanilang ikalawang sunod na semis appearance laban sa Elasto Painters, samantalang target ng Beermen ang kanilang pang limang dikit na semis stint kontra Express.
Ang mananalo sa pagitan ng Talk ‘N Text at Rain or Shine ang siyang haharap sa mananaig naman sa No. 4 at nagdedepensang Derby Ace at No. 5 Meralco sa best-of-seven semis series.
Haharapin naman ng San Miguel ang mananaig sa serye ng No. 3 Barangay Ginebra at No. 6 Alaska.
Tinalo ng Llamados ang Bolts via double overtime, 106-97, habang binigo naman ng Aces ang Gin Kings, 104-101, sa Game One ng kani-kanilang best-of-three quarterfinals showdown.
May 1-1 rekord ang Tropang Texters at Elasto Painters sa kanilang dalawang beses na pagtatagpo sa eliminasyon.
Nanalo ang Rain or Shine, 95-93, sa kanilang unang paghaharap noong Oktubre 20 mula sa isang top-of-the-key jumpshot ni Sol Mercado laban kay Talk ‘N Text guard Jason Castro sa huling 1.5 segundo.
Sa kanilang rematch sa Digos City noong Disyembre 4, bumangon ang Tropang Texters buhat sa 75-81 pagkakaiwan sa huling 3:35 ng laro patungo sa kanilang 86-81 tagumpay sa Elasto Painters.
Kasalukuyang nasa isang five-game winning streak ang PLDT franchise kumpara sa four-game losing slump ng Rain or Shine.
“We have a lot of trouble with a lot of teams in there, traditionally. Kaya di na namin iniisip kung sino ang makakalaban namin,” ani Reyes matapos ang 103-89 paggupo ng Tropang Texters sa Express noong Disyembre 12. “So whoever our quarterfinals opponent will be is something not in our control.”