MANILA, Philippines - Kagaya ng iba pang sports, nagiging ‘global’ na rin ang marathon scene sa bansa.
Isang halimbawa rito ay ang dominasyon ng mga Kenyan runners sa mga local marathon events.
“I came here in the Philippines as an athlete and I would like to compete against Filipino runners,” sabi ni Susan Jemutai, isa lamang sa sinasabing 15 Kenyans na sumasabak sa mga local events simula noong nakaraang taon.
Bagamat nadomina ng mga kagaya ng 28-anyos na si Jemutai ang ilang running events, nabigo naman silang angkinin ang nakaraang 34th Milo National Finals noong Linggo sa Quirino Grand Stand sa Luneta Park.
Pinagharian ni Eduardo “Vertek” Buenavista ang men’s 42-kilometer race upang talunin sina Willy Tanui at William Kipyego ng Kenya.
Nagrehistro ang tubong Sto. Niño, South Cotabato ng bilis na 2:24:18 para ungusan ang 6’2 na si Tanui (2:29:00) at ang 5’11 na si Kipyego (2:30:19).
Bukod kina Tanui at Kipyego, ang iba pang Kenyan runners na lumahok sa 42K ay sina Philip Ronah at Abraham Missos na naglista ng mga oras na 2:35:38 at 2:36:06, ayon sa pagkakasunod, para pumuwesto bilang No. 7 at No. 8.
“Okay lang naman kung sumali ang mga Kenyans kasi tataas ang level ng competition natin,” sabi ng 32-anyos na si Buenavista, isang two-time Olympic Games campaigner.
Ayon kay Gloria Reyes, isang ‘angel’ ni Makati Rep. Abigail Binay, katulad rin ng mga Pinoy ang mga Kenyans na humahanap ng magandang pagkakataon para maiangat ang kanilang kabuhayan.
“Parang mga OFWs rin naman sila eh. Ang kaibahan lang sa sports sila sumasali,” sabi ni Reyes, pansamantalang tinutulungan sina Jemutai at James Tallam na tumutuloy sa isang apartment sa Taytay, Rizal.
Ilang pagkakataon ring iniligaw ng ilang marshalls sina Jemutai sa isang event para palagpasin ang mga Pinoy.
“Hindi maganda ‘yon. Sports ito eh, dapat magsumikap kang mag-improve ang performance mo. Hindi mo sila dapat ituring na personal na kalaban. Sila nga ang magtataas sa level of competition natin eh,” ani Reyes sa ilang local runners na inireklamo ang pagsali ng mga Kenyans.
Si Jemutai ay sumegunda sa 22-anyos na si Flordeliza Donos ng Puerto Princesa City sa women’s 42K event ng Milo.
Naglista si Donos, nagtapos ng Criminology sa Univesity of Baguio, ng tiyempong 3:05:07 para talunin sina Jemutai (3:07:52) at local bet Mary Joy Tabul (3:08:38). Pumuwesto si Kenyan Irine Kipchumba sa No. 6 sa kanyang oras na 3:19:54.
Si Tallam naman ang maghari sa men’s 21K sa bilis na 1:10:23 kasunod ang mga Pinoy na sina Rafael Poliquit (1:12:41) at ang beteranong si Roy Vence (1:12:50).