MANILA, Philippines - Muling pinatunayan ni reigning pistol champion Nathaniel ‘Tac’ Padilla ang kanyang pagiging asintado matapos na tumudla ng dalawa pang ginto kasabay ng pagkumpleto sa dominasyon ng batang si Jayson Valdez sa 50-meter 3-position rifle event nitong Linggo sa pagtatapos ng 2010 National Open shooting championships sa PNSA/Marines range sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Pinangunahan ni Padilla, general manager na pagma-may-ari ng kanilang pamilyang Spring Cooking Oil at national rapid fire titlist sa nakalipas na 31-taon, ang 25-meter center fire competition at 10-meter air pistol event.
Naglista si Tac ng 562 puntos upang walisin ang kanyang kapatid na si Donald Padilla (545) at si Inocentes Dionesa (544) sa center fire bago umasinta ng 558 at talunin sina Mark Lorenz Manosca (556) at Romulo Tilos (552) sa air pistol, at paangatin ang kanyang kabuuang produksyon sa torneo sa apat na ginto kabilang ang rapid fire at standard pistol competitions.
Sa kabilang dako, nagtala naman ang 14-anyos na si Valdez, junior student mula sa Malate Catholic School at produkto ng National Youth Development Program sa pangunguna ni Padilla, ng 1127 puntos upang igupo si Allan Lao (1039) at tanghaling pinakamahusay na manunudla ng bansa.
Isa pang produkto ng NYDP si Shanin Lyn Gonzales ang nakiagaw sa atensyon matapos na magbulsa ng dalawang gold--isa sa 250meter sports pistol at sa women’s 10-meter air pistol.