MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. para dumalo sa pagdiriwang ni world eight-division champion Manny Pacquiao ng kanyang ika-32 kaarawan sa Biyernes sa Shangri-La Hotel sa Makati City.
Ang 28-anyos na si Donaire ay lulan ng Philippine Airlines flight (PR-105) at lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Kasama ng tubong Talibon, Bohol ang kanyang asawang si taekwondo jin Rachel Marcial at inaasahang makakasama nina promoter Bob Arum, trainer Freddie Roach at world super bantamweight king Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico sa pagdalo sa kaarawan ni Pacquiao.
Nagmula si Donaire sa isang fourth-round KO kay Ukrainian Wladimir Sidorenko para makuha ang bakanteng World Boxing Council (WBC) Continental Americas bantamweight crown noong Disyembre 5 sa Honda Center sa Anaheim, California.
Ang panalo ni Donaire ang nagtakda sa kanyang paghahamon kay Mexican world bantamweight champion Fernando “Cochulita” Montiel sa Pebrero 19, 2011.
Idedepensa ng 32-anyos na si Montiel ang kanyang mga hawak na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles laban kay Donaire.
Bitbit ni Donaire ang kanyang 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KO’s, habang dala ni Montiel ang 43-2-2 (33 KOs) slate.