MANILA, Philippines – Pagdaraos ng propesyonal na torneo sa volleyball ang siyang pangunahing programa na balak isusog ng bagong pamunuan ng Philippine Volleyball Federation (PVF).
Si Gener Dungo ang mauupo bilang pangulo na ng PVF kahalili ni Pete Mendoza sa isinagawang eleksyon kamakailan sa Hotel Indah, YMCA, Manila.
Hindi na tumakbo si Mendoza upang bigyan ng pagkakataon ang 35-anyos na si Dungo na magawa ang mga bagong ideya upang maibalik ang dating sigla ng sport sa bansa.
“May mga batang players na mula sa grassroots program ng nagdaang administrasyon at pipilitin natin silang manatili sa sport sa pagdaraos ng mga kompetisyon sa elementary at secondary level,” wika ni Dungo.
Pero para mas bumango ang volleyball sa bansa ay plano niya ang gumawa ng pro league na tulad sa Philippine Basketball Association (PBA).
Palalakasin din niya ang PVF sa mga iimplementang pagbabago at gagamitin ang FIVB management system para maisunod ang pagpapatakbo sa pederasyon sa international body.